Kape't sigarilyo, naaamoy ko
*
Marami akong gustong sabihin pero ang tanong; gusto ko ba talagang ako ay maintindihan? Minsan madali lang sabihing naiintindihan mo o sapat na ang naipapaliwanag mo o naipadarama kahit na ang totoo'y hinding-hindi mo kailanman magawang maipakilala ang iyong kaluluwa.
*
Bukas akong parang sugat ngayon. Sugat na tinanggalan ng band-aid (o nag-advertise naman ako). Sugat na ang totoo'y matagal nang pinipilit takpan kung hindi man gamutin. Sugat na pinipilit lamang itago, kung hindi man pahalikan sa hangin. Noong una ang akala ko magiging madali at mainam itong ginawa kong pagbukas sa aking sarili bilang sugat. Ang akala ko ay magiging mabilis at walang hapdi ang aking paghilom, pagkatuyo at pagbabagong buhay, pagbabagong bihis. Subalit ngayon sa pagtakbo ng panahon ay unti-unti kong napatutunayang lalo't lalo lamang akong lumulubha, nasasaktan. Hindi ko alam kung paano masupil ang sarili kong kalagayan. Hindi ko alam kung paanong hindi umaray o humikbi man lamang. Pero siguro ang pinakamagagawa ko na lamang sa ngayon ay aminin, tignan ng mata sa mata ang katotohanan, tanggapin at parating alalahanin.
*
Ang totoo'y makahiya ako na mas mailap pa sa mailap. Hindi pa man din nasasaktan, agad nang kumukurap.
Alam mo kasi, ayoko lang namang maiwang mag-isa habang nagdurusa kapag wala ka na.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home