Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Sa sobrang bilis ni hindi nga makasabay man lang ang mga daliri ko sa utak ko. Hindi makasabay ang keyboard, ang bolpen, ang keypad ng cellphone kong naghihingalo na. Hindi makasabay ang sinasabi ko pa lang sa iniisip ko na o ang gusto kong sabihin na sa iisipin ko pa lang. Nagtutulakan, nag-iiwanan ang dalawa kong mga paa. Pati anino ko nagsolo na. Hindi ko na nga alam kung ano na lang ba ang naiwan sa 'kin. Alin-alin na lang ba sa mga parte ng pagkatao ko ang nananatiling sa akin pa nga.
Nagbunga na nga ang isang pangyayari, nanganak na nga ang isang desisyon nandito pa rin ako nakatanga. Iniisip ko pa rin kung ano nga ba ang nangyari, kung ano ba'ng ibig sabihin noon at kung ano nga ba'ng dapat kong gawin. Natatawa na ang lahat ako nakapangalumbaba pa rin, iniisip kung alin ba doon ang punch line. Uwian na pakiramdam ko hindi pa nagsisimula.
Hindi ko alam kung ano ba ang mas mabilis sa dalawa; ang sadyang pagtakbo ng panahon o ang pagbabago ng damdamin. Sana kasing bilis na lang din ako ng panahon o kaya naman sana kaya ko ring magpapalit-palit nang mabilisan gaya ng damdamin. Sana kahit naman papaano makasabay naman ako kung hindi man ako mauna. Para sana hindi ako naiiwang nakatayo dito, nangangawit, nagugutom, naghihintay, natatakot at mag-isa. Pauwi na nga 'ko pero pakiramdam ko naliligaw lang ako; naliligaw pa rin ako.
*
Nakaw na sandali - hindi ko lubos maisip na sasabihin ko ang mga salitang 'to. Nakaw na sandali. Tumatagos ba dahil mahina lang ako o dahil talagang walang laman? Ninakaw ko nga lang ba talaga yun o naawa ka lang sa'ken kaya pinahiram mo? Pinatikim mo lang ba 'ko para malaman ko kung paano mapaso ng kaunting apoy? Kung paano magnasa sa kaunting ligaya? Lahat ba nang iyon ay hindi totoo? Pinipilit kong unawain pero hindi ko matanggap. Hindi ko pa rin matanggap.
*
Hindi ko alam kung bakit kayo unti-unting nagsusulputan. Isa-isa kayong nangangamusta. Oo sige nag-effort na kayo kung nag-effort na send-an ako ng message sa Friendster. Oo na at nagpa-tweetums na kayo at may smiley pa ang message nyo'ng "musta" lang naman ang laman. Pero hindi ako natutuwa. Lalo n'yo lang akong ginambala. Sana hindi na lang kayo nagpanggap na talagang nangungumusta kayo dahil hindi naman talaga. Huwag na kayong mag-attempt. Ako pa'ng niloko n'yo, gasgas na naman ang mga pakulo n'yo. Sabihin n'yo na lang sa'kin na may kailangan kayo. Hindi naman ako maramot. Hindi ko naman kayo iisnabin kesa naman pinapagewang-gewang n'yo pa ang usapan. Higit sa lahat, bakit pa kayo magpapanggap na may pakialam kayo eh matagal na naman akong sanay na wala kayo. Mas komportable na 'kong magtampisaw sa layo natin at espasyo kesa bumitin sa mga tulay na tubig na pilit n'yong itinatayo.
*
Paano ba umiyak ng malakas pero hindi masakit? O kaya naman eh umiyak ng walang tunog at luha kahit nagdurugo?
*
Noong una ayoko pang makinig sa katawan ko. Hindi ko pinapansin kung anumang ibinubulong niya sa'kin. Pero ngayon, ngayon alam ko na'ng mas nakaiintindi siya, mas nakararamdam. Ipinapanalangin ko na lang na maging maganda ang resulta ng x-ray ko. Gusto ko ring humingi nang tawad sa kanya. Masyadong naging matigas ang ulo ko.
*
Wala akong maintindihan. Hindi ko maintindihan ang kahit alin man dito. Ginagawa ko lang, oo ginagawa ko lang pero hindi ko alam kung bakit. Basta alam ko hindi ako pwedeng tumigil at sabihing "Hindi ko kasi talaga naiintindihan". Hindi ako pwedeng tumunganga lang at magpahintay sa kanila habang nag-iisip pa 'ko. Hindi pwedeng ipostpone ang pag-ikot ng mundo o ang paulit-ulit na pagkabuhay at pagkamatay araw-araw. May mga bagay na hindi na maaaring sagipin pa kapag dumapo na ang dapit-hapon sa mga paa. May mga bagay na hindi na maaaring gisingin pa kapag humalik na ang bukangliwayway sa noo. Sana alam ko kung paano magtanong at kung kanino ako magtatanong. Sana alam ko kung sino ang dapat kong tanungin na hindi magdadalawang-isip na ako ay sagutin. Sana alam kong may palaging maghihintay sa akin at hindi magsasawa; hindi mang-iiwan hanggang makasiguro na ako na ako ay talagang handa na at buo ang loob.
*
Lagi na lang bang ganito? Kung hindi kulang, sobra. Kung hindi maluwag, masikip. Kung hindi masyadong maaga, late naman. Kung hindi kahapon, bukas pa. Kung hindi naghihintay, iniwan na.
*
Kung ayaw mo talaga, umalis ka na lang. Kaibigan ang gusto ko hindi kalaro, hindi kakwentuhan, hindi kasama. Mas magiging masaya akong mag-isa dahil at least sigurado 'ko na totoo akong kaibigan sa sarili ko. Kung hanggang diyan lang ang kaya mong ibigay, kung hanggang diyan lang sa pagkatao mo ang kaya mong ibahagi... 'di bale na lang. Kulang pa 'yan sa'yo.
*
Akala ko tinapos ko na noong Biyernes. Akala ko pinahintulutan na rin ako ni tadhana na gawin 'yon. Pero bakit noong sumapit ang Sabado nagbago na naman ang takbo ng lahat? Bigla na namang may kumambiyo at pilit akong hinatak pabalik sa daang tinalikuran ko na nga at dapat nga ay tuluyan ko nang iiwan. Nasanay na nga ako sa matinding init, sa pagiging tigang ng lupa at pagiging malupit ng hangin, sabay biglang uulan. Bakit pa biglang umulan? Nasanay na nga akong mamuhay sa umaga kung saan ang lahat ay nabibilad sa ilalim nang araw, walang mga balat ang nangangailangan ng karagdagang init at walang lihim ang nakakapagtago sabay biglang sasapit ang gabi? Kakagat ang dilim? Nasanay na nga ako'ng naglalakad mag-isa sa gitna ng kalsada, mag-isa sa ilalim ng payong kong sira, mag-isang kumain, mag-isang umuwi, mag-isang magreklamo, mag-isa sa lahat sabay bigla kang darating? Hindi kita hinanap. Hindi kita ipinagdasal. Paulit-ulit ko na nga 'tong sinasabi. Hindi kita kinailangan. Hindi ako kulang. Hindi kita hinintay pero dumating ka pa rin. Gusto na kitang paalisin pero hindi ko naman magagawa 'yon kaya ako na lang ang lalayo. Pero hindi ko maihakbang ang mga paa ko o kahit magawa ko man, halos iisa na lang ang nilalakaran natin ngayon. Kahit ano mang pilit ko, magkakasalubong at magkakasalubong pa rin tayo. Sana matutunan ko na lang kung paanong piliting hindi yumuko kapag nakakasalubong ka, kung paanong piliting magmukhang normal lang at hindi nag-aalala. Sana matutunan ko na lang maging masaya sa kabila nang lahat. Sana matutunan ko na lang na maging masaya lang at kuntento na kasama ka lang. Sana matutunan ko na lang na harapin ang katotohanan nang mukha sa mukha at tanggapin siya ng buo. Sana matutunan ko na lang ibalik ang dati kong sarili... kung hindi man ang takbo ng buhay ko noong wala ka pa. Sana kahit yun lang magawa ko, kahit hindi na kita mapaalis o kahit hindi na 'ko lumayo.
*
Sana rin matutunan ko nang itigil ang pagtatanong ng "Bakit?" at tanggapin na lang nang buong puso at buong pagtitiwala. Isa pa, wala rin namang may alam ng sagot.
*
Oo, gusto ko na 'tong matapos.
Pero hindi ko hihilingin, hahayaan ko lang mangyari.
(Sapagkat minahal ko ang mga sandaling isinulat ko ito. Oooh, the shetness of it all.)