Mga ulap, alikabok at ilang piraso ng kalat na hindi pa rin mai-shoot sa basurahan

Kaninang ala una ng madaling araw, sa kasagsagan ng pakikipagdigmaan ko sa sipon, antok, kabaliwan (o katinuang nagpapanggap na kabaliwan o kabaliwang nagpapanggap na katinuan. Ewan.) at kalituhan sa pangkalahataang aspeto ng buhay ay bigla na lamang akong napadpad muli sa lihim kong sulok; doon kung saan ang lahat ng ako, kasama na ang mga hindi ko pa kilala ay nagtatagpo paminsan-minsan. Muli ay lumapat ang aking gunita kung hindi man ang buong kamalayan ko sa bawat linya at espasyong nakapinta sa papel na dati rati ay blangko ngunit kahit kailan ay hindi ko naman talaga naisip na blangko. Muli, narinig ko ang mga ibang ako, pati na ang mga hindi ko pa rin kilala, na nangugusap. Kung ako ba ang kausap nila o hindi ay hindi na mahalaga. Basta ang alam ko may sinasabi sila at iyon ang siyang tunay na mahalaga. Syempre pa naglaan ako ng kaunting panahon upang pakinggan kung ano nga ba ang mga sinasabi nila. Iyong iba, sumisigaw; nakabibingi. Masyadong matalim ang mga salita; tumatagos - kumikitil. Iyong iba naman bumubulong-bulong lang, parang nagdarasal na hindi maintindihan. Hindi nga sumisigaw pero mas nakaririndi pa nga dahil paulit-ulit, makulit at pumupunit sa alaalala. Wala naman akong gaanong masabi sa mga sinabi nila. Kung sa bagay, naroon lang naman ako upang makinig at makinig lang. Walang dapat itanong dahil una, alam ko na ang iba sa mga sagot doon. Pangalawa, dahil hindi naman talaga mahalaga pa ang mga natitira pang sagot. Pakiramdam ko sapat ng naramdaman kong muli kung ano ang mga naramdaman nila - ko - sa bawat pagkakataong iyon. Minsan talagang hindi maiwasang magkasala at makalimot. Ngunit hindi na mahalaga kung bakit o kung ano na ang nangyari. Ang mahalaga ay muli kong naalala at napatunayang totoo nga pala lahat ng mga iyon. Lahat ng mga emosyong iyon ay akin, lahat ng mga salitang nakamantsa sa papel ay pinaghalong luha ko, pawis, sugat, dugo at laway na napanis. Akin ang bawat sandali ng pait at pagtatangis. Akin ang mga hiyaw na ikinabingi ko rin. Akin ang mga pangungusap na hindi natapos. Akin ang mga tanong at akin ang mga sagot. Akin ang mga bulong na ngayon nga ay tila naging panalangin na. Higit sa lahat, akin ang mga boses na iyon, ang mga mukhang iyon, kahit iyong mga hindi ko pa rin kilala. Akin Sila at dahil Ako Sila.





At muli kong naalala ang mga peklat na iniwan ko sa napakarami ko ng naging blog na isa-isa ko rin namang isinara at itinago na rin sa lihim kong sulok, ang mga peklat na iniwan ko sa yupielbi.com noong adik na adik pa akong magsulat sa column ko doon kahit wala namang gaanong nagbabasa, ang mga peklat na iniwan ko sa bawat pilas ng papel na minsan naiiwanan ko sa cmc lib o kaya ay sa main lib Filipiniana section, ang bawat peklat na hanggang ngayon ay nakamarka pa rin sa bawat pahinang nakatago sa lihim kong sulok na pinangangambahan kong wala na talagang makakatuklas maliban na lamang siguro sa akin kapag multo na ako at palutang-lutang.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home