Mga gabing magkasiping ang usok at bituwin

Kapag finally ay nagkaroon na ako ng pagkakataong makausap ka ng masinsinan, eto talaga ang una kong itatanong sa'yo (at oo talagang pinaghahandaan ko ang pagkakataong iyon):

Ano'ng plano mo sa future mo?
(ay ang corny)


Sa totoo lang, medyo naririnig ko na ngayon pa lang ang isasagot mo kaya medyo alam ko na rin kung paano ako mag-rereact. Malamang sasabihin ko "Wow" o kaya naman ngingiti na lang ako, hindi na kikibo habang nakatingin sa malayo. Dalawang bagay lang naman kasi iyan; dahil nakakabilib talaga at pambihira ang mga plano mo at hindi ko ma-deconstruct kaagad o kaya naman dahil namanhid lang akong bigla sa lakas ng hampas ng katotohanan; katotohanan sa likod ng misteryong kung ano nga lang ba talaga ako sa'yo - dahil hindi ako kasama ni sa pinakamaliit mong mga plano.

Tapos syempre ibabato mo rin sa akin ang tanong ko:

Ikaw ba, ano'ng plano mo sa future mo?

Kung saan ang isasagot ko naman ay (at ito ay hindi bunga ng pagpaplano ko. Ito talaga ang isasagot ko kahit sinuman ang magtanong at kahit kailan man ako tanungin.):

"Wala. Hindi ko alam. Hindi ako nagpaplano eh kasi feeling ko parati, anytime, mamatay ako."

At pipilitin mo namang sumagot (kahit ayaw mo sana at gusto mo ring matulala na lang) nang:

Ganun?



Kung saan sasagot naman ako ng walang bahid ng pag-aalinlangan, parang nagkukuwento lang ng kung ano:

"Oo, parang anytime feeling ko masasagasaan ako nang fatale at kakalat ang mga lamang-loob ko sa kalsada, mashooshoot sa kanal at malo-lost na lang basta sa mga damuhan sa tabi-tabi o kaya mabubunggo ang sinasakyan kong jeep o bus at malalapirot na lang ako na parang lata at walang makakaalam kung sino nga ba ako dahil mabubura na pati ang malahigante kong peklat sa tuhod o kaya naman sasabog ang MRTng sinasakyan ko habang nangangawit ang kili-kili ko sa kakakapit sa mga bakal at nag-iingat sana na huwag mapadausdos sa babaeng nakaupo sa harap ko o kaya ang istasyon mismo. Sasabog ang istasyon habang walang-malay akong kumakanta ng "Your Love" ng Alamid at iniisip ang waffle sa bag ko na gusto ko nang kainin. O kaya naman malalason ako sa waffle at bubula ang bibig ko in public, mapupublish siya sa lahat ng tabloids pati na sa Tiktik, isususpend ang stall ng waffle na iyon sa loob ng tatlong araw, maitatala na siya sa kasaysayan at iyon na ang una't-huling larawan ko na maalala ng sambayanang Pilipino ever. O kaya naman may sasaksak sa tagiliran ko nang wala akong kalaban-laban pero makikita ko kung sino ang salarin at matatakot ako dahil ang huli kong maiisip bago ako malagutan ng hininga ay ang pasalamatan (pa rin) siya."


Bigla kang mabubulunan ng boluntaryo kahit wala ka naman talagang kinakain; masasamid kahit wala ka naman talagang iniinom. At saka mo mapag-iisip-isip kung ano nga ba ang ginagawa mo kasama, kausap ako.

Tapos itatanong natin sa ating mga sarili kung bakit nga ba natin itinanong pa sa isa't-isa ang tanong na iyon. Ipapanalangin natin na mas mabuti pang liparin na lang tayo tulad ng mga alikabok palayo, papunta sa kung saan mang hindi natin alam, umaasang saluhin tayo ng mga kinabukasan nating naghihintay -

kung meron man,
kung saan man.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home