Isinga mo lang na parang sipon sa tisyung tig-ootso pesos

Bumisita si Milenyo at umalis rin kaagad. Mga ilang oras din kaming nagniig. Medyo nakakapagod pero ang totoo bitin pa rin ako. Mga apat na oras rin ‘yon. Gusto kong maalala lahat ng nangyari. Nayanig nga ba ‘ko ng sapat? Hmmm… sa palagay ko, hindi. Pero kung ang pagdagundong sa kaibuturan ang pagbabasehan, malamang oo.

Bumisita si Milenyo at sabi ng tatay ko hindi man lang raw ako natinag. Gusto na niya akong ibaon sa lupang hatid ng baha dahil hindi pa rin ako makapaniwala na ganoon talaga kalaki ang pinsalang idinulot niya sa iba.

Ngunit hindi sa akin. Siguro’y hindi talaga siya ang bagyong makakatapat ko. Masyado pang mapayapa ang mundo ko.

Bumisita si Milenyo at umalis rin kaagad. Dahil sa bilis ng mga pangyayari at sa kapwa namin pagkasabik sa isa’t-isa, nalimot ko na tuloy ang magpasalamat sa kanya. Paano’y tinangay niya sa kaniyang paglisan ang lahat ng mga bagay na hindi ko na kailangan.


*

Naghihintay pa rin dahil may nagsasabing sa pagkakataong ito, ito ay para sa akin.

*

At kahit ano pang bagyo ang dumaan, matapang ko nang masasabing mariing nakaugat ang mga paa ko sa lupa habang ang mga mata ko ay lumilipad sa langit. Hindi at hindi ako matitinag.
Ngayon pa?

*
Handa na akong mamatay upang mabuhay muli.
Yapusin mo ako ng buong buo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home