Dito pa rin sa ating tagpuan
*
Wala rin akong magagawa. Wala tayong magagawa. Hindi ko rin alam ang sagot pero siguro nga kaya hindi ko (pa) alam ay dahil sa hindi ko (pa) naman dapat malaman. Pinatagpo tayo ng panahon sa ganitong pagkakataon at tanging iyan lang ang alam ko.
*
Oo hindi madali pero pinilit ko. Pinilit kong tumayo sa ibabaw ng sarili ko; sa ibabaw ng puso at ulo ko. Pinilit kong maramdaman kung paanong tumapak lamang at walang maramdamang iba; tumapak lamang ang mga paa at iwanan ang lahat. Naging masakit dahil kinailangan (at kailangan ko pa rin) ko itong gawing mag-isa ngunit hindi mag-isa. Mag-isa, dahil wala namang makakagawa nito para sa sarili ko kung hindi ako. Hindi mag-isa, dahil ang totoo'y kasama ko kayo - kasama kita - ngunit kinailangan (at kailangan ko pa ring) ko pa ring humiwalay - at iyon ang pinakamahirap sa lahat.
*
Tatakbo ako kahit gaano kalayo; kahit gaano kahaba ang daan kung kailangan, kung iyon lang ang natitirang paraan para maibalik ko ang sarili sa dati, kung iyon lang ang natitirang paraan para mahabol ang lumisan. Pinilit ko namang tumakbo, oo makailang ulit ko ring ginawa. Pero habang ginagawa ko iyon ay unit-unti ko ring nakikita na hindi naman ako umaalis sa kinatatayuan ko. Tumatakbo akong nananatili lang dito. Siguro habang tumatagal, humahaba rin ang daan o kaya naman siguro ayaw lang talagang magpahabol nang lumisan o baka naman hindi pa lang talaga siya handang magbalik ngayon.
Baka naman sa ibang pagkakataon.
*
Habang lumalayo ako ay lalo ring nagiging malinaw sa akin ang mga dahilan kung bakit hindi ako dapat lumayo.
*
Ang totoo dapat naman talaga akong masaktan ngunit sa kung bakit kaligayahan ang naramdaman ko ay hindi ko rin alam. Siguro dahil masaya na rin akong makita ang katotohanan kahit pa hindi iyong nakaguhit sa pantasya ko. May sariling buhay sa labas nang pantasya; may sarili kang buhay sa labas nang mundong nilikha ko - mas maganda, mas makulay pa nga,
Siguro.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home